Monday, October 27, 2014

Makrong Kasanayan sa Pakikinig

Kahulugan ng Pakikinig
Ang pakikinig ay isang aktibong proseso ng pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng sensoring pandinig at pag-iisip. Itinuturing itong aktibo dahil nagbibigay ito ng daan sa isang tao ng pag-isipan, tandaan at ianalisa ang kahulugan at kabuluhan ng mga salitang napakinggan.
Ang sensoring pakikinig ay nanatiling bukas at gumagana kahit pa mayroon tayong ibang ginagawa. Ang mga tunog ay nagsisilbing stimuli at dumaraan sa auditory nerve patungo sa utak.


Mga Elementong Naka—iimpluwensiya sa Pakikinig
  1. Edad – Para sa mga nakababatang tagapakinig, higit na mainam ang mga maiikli at malinaw (o mababaw at madaling unawaing) mga pahayag para sa mas maikli nilang interes at kakulangan sa pang-unawa. Mainam rin ang maikling mga pahayag sa mga may edad (o nakatatanda), bilang konsiderasyon sa mga nararamdaman nila sa kanilang mga katawan, katulad ng rayuma at kahinaan na rin sa pandinig.
  2. Oras – Malaki ang ipinagkaiba ng pakikinig sa hatinggabi, madaling araw at kinahapunan, kaysa sa pakikinig ng isang indibidwal sa oras kung kailan mas gising ang kaniyang kamalayan.
  3. Kasarian – Madalas na magkaiba ang interes at paraan ng pagsasalita ng kababaihan sa kalalakihan. Ang mga kababaihan ay madalas na maligoy at mapaliwanag, samantalang ang mga kalalakihan naman ay higit na matipid sa salita at pagpapaliwanag. Malaki ang epekto nito sa pakikinig, gayong ang mga kalalakihan ay madaling mainip, kabaliktaran ng mga kababaihan na likas na mas mahaba ang pasensiya.
  4. Tsanel – Malaki ang impluwensiya ng instrumentong ginagamit sa pakikipag-usap sa pagkaka-unawaan. Sa paggamit na lamang ng telepono, kung minsan ay nagiging hadlang ang signal sa linaw ng pagsasalita, kaya naman hindi nagiging lubusan ang pagkaka-unawa ng tumatanggap ng tawag.
  5. Kultura – Nag-iiba ang wika sa pagkakaiba-iba ng kultura, gayundin ay nag-iiba-iba ang nagiging kawilihan at interes ng tagapakinig.
  6. Konsepto sa Sarili – Ang pansariling pang-unawa o pagka-alam ng tagakinig ay maaring makapagbigay ng hindi kaparehong pakahulugan ng sa nagsasalita kaya naman ito ay maaring humantong mula sa mainam na diskurso sa hindi mainam na katapusan.
  7. Lugar – Ang kapaligiran ay may malaking epekto sa paghikayat sa mga tagapakinig sa higit na pagkakaroon ng interes sa nagsasalita. Kung masyadong mainit, maingay o magulo at maingay sa paligid, mas malaki ang posibilidad na mawala ang kosentrasyon ng tagapakinig, kaya mainam na maging bukas ang isipan sa kapaligiran – pumili ng mga lugar na tahimik at magiging komportable ang mga tagapakinig upang masiguro ang paglago ng interes at pagpapataas ng kosentrasyon.


Proseso ng Pakikinig
Ang pakikinig ay isang komplikadong proseso na nag-uugnat sa sistemang apektibo at kognitibo at sa pag-uugali at nakagawian ng tagapakinig.
  1. Pagtanggap ng mensahe – Nakasalalay ang pakikinig sa pagtanggap ng mensahe, gayundin ang pagbibigay tugon at pagkatuto. Kung hindi mainam ang pagtanggap ng mensahe ng tagapakinig makaaapekto ito sa pagka-unawa ng mensahe at pagka-alam ng sinasabi.
  2. Pagpokus ng atensyon sa tinanggap sa mensahe – Hindi nangangahulugan na nauunawaan ng tagapakinig ang mensahe dahil lamang sa narinig niya ito, malaki ang impluwensiya ng atensyon o pokus na inilagay ng tagapakinig sa mensahe upang lubos niya itong maunawaan.
  3. Pagpapakahulugan – Nakadepende ang pagbibigay ng positibo o negatibong interpretasyon o kahulugan ng mensahe sa pagkakahatid o pagkakasabi nito.
  4. Pagtanda sa narinig – Mainam na making muna, kaysa makipagtalo sa nagsasalita upang maging mas epektibo ang pakikinig. Sa ganitong paraan, higit na mauunawaan ng nakikinig ang mensahe at magiging mas madali na matandaan niya ito.
  5. Pagtugon – Dito lubusang nasusubok ang pagiging epektibo ng paghahatid ng mensahe. Sa bahaging ito maaring manghingi ng paglilinaw ang tagapakinig sa mga parte ng mensahe na para sa kaniya ay malabo, o hindi gaanong malinaw. Gayundin, maaring magbigay ang tagapakinig ng pansarili niyang reaksyon sa mensahe.



Mga Uri ng Pakikinig
  1. Deskriminatibo – may layunin na matukoy ang pagkakaiba ng pasalita sa di-pasalitang paraan ng komunikasyon, katulad ng paraan ng pagsasalita, mga pagkilos at pagkumpas.
  2. Komprehensibo – nakatuon sa nilalaman o koteksto ng mensahe kaysa sa nagpapahayag nito, ang pokus ng tagapakinig ng ganitong uri ay sa kung paano higit na mauunawan at sa kung ano ang kahulugan ng mensahe.
  3. Paglilibang – ginagawa ang pakikinig na ganito sa layong maglibang, o magdala ng kaaliwan para sa sarili, katulad ng pakikinig sa radyo o pakikinig ng musika.
  4. Paggamot – sa ganitong uri, layon ng tagapakinig na dinggin ang mga hinaing o suliranin ng nagsasalita upang makapagbigay kagaanan ng loob (o makapaggamot) gawa ng pakikisimpatiya at pagdamay.
  5. Kritikal – ang ganitong uri ng pakikinig ay gumagamit ng malalim na pag-aanalisa at pag-iisip upang makabuo ng mainam na hinuha, o reaksyon.


Gabay sa Mabisang Pakikinig
  1. Bumuo ng layunin sa pakikinig.
  2. Ituon ang pakikinig sa pangunahing at mahahalagang puntos na ibinibigay ng nagsasalita.
  3. Itala ang mga mahahalagang detalye.
  4. Pakinggang maigi ang mga nilalaman ng mensahe, at hindi ang paraan ng pagsasalita.
  5. Isantabi ang paghuhusga at panlulubak sa panlabas na katangian ng nagsasalita, at pagtuunan ng pansin ang nilalaman ng mensahe.
  6.  Sikaping maging sensitibo sa verbal at di-verbal na konteksto ng mensahe.
  7. Tiyakin kung tama ang pagkaunawa sa mga narinig, gawin ito sa pamamagitan ng paglilinaw sa mga malalabong nilalaman ng mensahe.
  8. Laging isaisip na isang paghamon ang mabilis na pagkatuto sa pamamagitan ng mabisang pakikinig.


Mga Kabutihang Maidudulot ng Aktibong Pakikinig
  • Makinig at pahalagahan ang sinasabi ng kapwa upang mapaamo ang matigas ng damdamin.
  • Madaling mauunawan ang posisyon ng iba kung mataimtim ang pakikinig.
  • Maiiwasan ang mga negatibong pagpuna kung ginagamit ang pakikinig sa wastong paraan.
  • Mawawala ang puwang ng di-pagkakaunawaan o di-pagkakasundo kung nakikinig sa bawat nagsasalita.
  • Madaling matutulungan ang kapwa sa pamamagitan ng pakikinig.
  • Matutuklasan ang mga kahinaan ng bawat isa tungo sa pagbabago sapagkat masusuri at maaanalisa ang mga kahinaan sa pamamagitan ng masusing pakikinig.

Mga Hadlang sa Pakikinig
  1. Pagbuo ng maling kaisipan – Dahil sa pagbuo ng maling kaisipan bago pa man matapos ang paghahatid ng mensahe, hindi nagiging lubos ang pagkaalam at pagka-unawa sa nilalaman nito, gawa ng higit na pokus sa mga suliranin nakikita ng nakikinig kaysa sa sinasai ng nagsasalita, kaya naman nagkakaroon ng mga maling reaksyon at pagtugon sa panig ng tagakapakinig.
  2. Pagkiling sa sariling opiniyon – Dahil sa kakulangan ng pang-unawa at saradong isipan, napapaibabaw ng mga tagapakinig ang pansariling opiniyon kaysa sa mensahe na inihahatid ng nagsasalita.
  3. Pagkakaiba-iba ng pakahulugan – Maaring magkakaiba ang pagkaka-unawa at pagbibigay interpretasyon ng mga tagapakinig sa iisang mensahe, kaya naman mahalaga ang paglilinaw sa mga mensahe.
  4. Pisikal na dahilan – katulad ng unang nabanggit, malaki ang impluwensiya ng kapaligiran sa pakikinig ng mensahe, maaring hadlangan ng klima o kaguluhan ng paligid ang pokus at kamalayan ng tagapakinig upang Ganap na maunawaan ang mensahe.
  5. Pagkakaiba ng kultura – Dala ng pagkakaiba-iba ng paniniwala sa pagkakaiba-iba ng kultura, maaring hindi matanggap ng tagapakinig ang mensahe gawa kaibang paniniwala o paninidigan.
  6. Suliraning pansarili – Gawa ng pamamayani ng damdaming pansarili at personal, nababawasan ang pokus ng nakikinig, kaya naman hindi lubos na nauunawaan ang mensahe.



Pinagkunan: Mangahis, J. (n.d.). Komunikasyon sa Akademikong Filipino.


1 comment:

  1. What is the casino that lets people play slots? - Dr. Dr. D Magazine
    The online slots are 강원도 출장마사지 designed 영주 출장샵 to play their 아산 출장샵 favourite games and players enjoy playing them 서울특별 출장샵 for real money. In 정읍 출장안마 particular,

    ReplyDelete